Sasampahan ng pulisya ng kaukulang mga kaso ang mga nakapatay ng dalawang sundalo, nakasugat ng 12 na iba at nununog pa ng isang Army vehicle sa isang ambush sa Barangay Cabengbeng sa Sumisip Basilan nito lang January 22, 2025.
Sa pahayag nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang kanilang inisyatibo ay naglalayong mabigyan ng hustiya ang dalawang mga kasapi ng 32nd Infantry Battalion na nasawi at ang 12 pa nilang mga kasama na nasugatan sa naturang pananambang.
Nagtungo ang isang pangkat ng mga sundalong sakop ng 32nd IB sa Barangay Cabengbeng kaugnay ng pagbisita sana sa naturang lugar ng mga representatibo ng United Nations Development Programme at sila ay paalis na sana dahil may mga pagbabago sa ruta ng UNDP representatives ng sila ay tambangan ng mga armado.
Sinunog pa ng mga armadong tumambang sa mga sundalo ang kanilang sinasakyang KM450 light truck. Hindi isang military tactical operation ang pagtungo sa Barangay Cabengbeng ng pangkat ng 32nd IB na na-ambush, ayon sa mga local officials sa Sumisip.
Ayon kay Macapaz, nagtutulungan ang Sumisip Municipal Police Office at ang Basilan Provincial Police Office sa paghanda ng mga criminal cases na isasampa sa mga responsible sa naturang ambush. (Jan. 29, 2025)