2 NPAs patay sa engkwentro sa Butuan City

Dalawang miyembro ng New People’s Army ang napatay ng mga sundalo sa isang engkwentro sa Barangay Los Angeles sa Butuan City sa Agusan del Norte nitong umaga ng Martes.

Kinumpirma sa mga hiwalay na ulat nitong Huwebes ng mga opisyal ng 4th Infantry Division ng Philippine Army at ni Brig. Gen. Christopher Nortez Abrahano, director ng Police Regional Office-13, ang insidente na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang mga NPA na inaalam pa ang mga pangalan.

Sumiklab ang engkwentro ng paputukan ng mga NPA ang mga tropa ng 29th Infantry Battalion na pinadala sa Barangay Los Angeles upang magsiyasat sa mga ulat ng mga residente hinggil sa presensya ng mga armado sa kanilang kapaligiran, sapilitang nanghihingi sa kanila ng pera at pagkain.

Nasa kustodiya na ng 29th IB ang isang AK-47 rifle, isang 5.56 Bushmaster rifle at mga improvised explosive devices na natagpuan sa tabi ng mga bangkay ng nasawing mga NPA members na iniwan ng kanilang mahigit 10 na mga kasama na mabilis na tumakas ng mapunang napapaligiran na sila ng mga sundalong kanilang nakasagupa.
Ayon kay Lt. Col. Mark Tabon, acting commanding officer ng 29th IB, ang dalawang nasawing mga guerilla ay sakop ng Northeastern Mindanao Regional Committee ng NPA.

Ang ang mga namumuno ng naturang committee ay may mga kinakaharap na high-profile criminal cases sa mga korte sa ibat-ibang mga probinsya sa Region 13, ayon sa mga opisyal ng regional police. (January 30. 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *