Patay ang isang ginang habang malubha naman ang kanyang mister, kapatid, at dalawang mga bata ng mabundol ang tricycle na kanilang sinasakyan ng isang kotse sa tapat ng KCC Mall sa Koronadal City madaling araw nitong Biyernes, May 2, 2025.
Galing sa lamay ng kakilalang pumanaw ang mga biktima at pauwi na sana sa kanila sa Barrio 6 sa hindi kalayuang bayan ng Banga sa South Cotabato ng masapol ng isang kotse ang kanilang sinasakyang tricycle na minamaneho ni Benjie Jaco na kabiyak ng nasawi sa aksidente na si Juliet Ortiz Jaco.
Hindi na umabot ng buhay si Juliet sa pagamutan kung saan siya isinugod ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan ang tricycle driver na mister ni Juliet at ang kanyang kapatid na si Judith Ortiz at dalawa nilang mga kasamang mga elementary pupils.
Ayon sa mga saksi at mga imbestigador ng Koronadal City Police Office, lasing ang driver ng kotseng nakabangga ng kasalubong na tricycle.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng kotseng sangkot sa insidente. (MAY 3, 2025)