Patay ang isang 14-anyos na babaeng motoristang walang driver’s license at sugatan ang kanyang dalawang mga kapwa babaeng angkas sanhi ng aksidente nitong Biyernes sa Barangay Assumption sa Koronadal City.
Sa mga hiwalay ulat nitong Sabado ng Koronadal City Police Office ng ng Police Regional Office-12, agad na namatay ang driver ng motorsiklong kinilala lang na si Nicole sanhi ng kanyang pagbagsak sa sementong flood control dike sa gilid ng kalyeng maputik kung saan sila naaksidente ng kanyang dalawang mga kaklaseng parehong mga 14-anyos din.
Pababa mula sa mataas na bahagi ng madulas at maputik na daan sa Barangay Assumption ang tatlo ng biglang nawalan ng kontrol si Nicole ng kanyang minamanehong motorsiklo kaya ito nabuwal at gumulong ng ilang beses.
Agad na nawalan ng malay si Nicole at nadeklarang dead on arrival ng mga mangagagamot sa isang pagamutan kung saan siya dinala ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Ayon sa mga imbestigador ng Koronadal City police force at mga barangay officials na nag-responde sa insidente, walang driver’s license si Nicole at hindi pa bihasa sa paggamit ng motorsiklo kaya naaksidente habang padaan sa maputik na kalye sa Barangay Assumption. (February 1, 2025)