Isang college school teacher ang agaw-buhay ngayon sa pagamutan matapos barilin paulit-ulit ng mga motoristang salarin sa Barangay Sengal Sa Lamitan City, Basilan nitong gabi ng Sabado.
Ang biktimang si Johnus Flores Lim, nagtamo ng mga maselang tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan, ay isang teacher sa Furigay College Incorporated sa Lamitan City sa Basilan isa sa limang mga probinsyang sakop ng Bangsamoro region.
Sa pahayag nitong Linggo ni Lt. Col. Elmer Solon, Lamitan City police chief, nakaupo si Lim sa kanyang motorsiklo na naka-himpil sa gilid ng kalye sa Sitio Baroy sa Barangay Sengal ng lapitan ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo, pinaputukan ng ilang beses at mabilis na tumakas.
Ang malubhang pagkasugat ni Lim sa naturang insidente ay naganap eksaktong tatlong araw pa lang mula ng mapatay sa ambush sa Barangay Malinis sa Lamitan City ang negosyanteng si Abduraza Saidde Madiza.
Sakay si Madiza ng kanyang motorsiklo, pauwi sa kanilang tahanan sa Barangay Limook sa naturang lungsod ng tambangan ng mga armadong nakaabang sa kanya na mabilis na nakatakas gamit ang kanilang mga motorsiklo.
Agad na inilibing ng mga kamag-anak si Madiza ayon sa tradisyong Islam na dapat mailibing ang patay sa loob lang ng 24-oras mula sa pagpanaw nito. (February 2, 2025)