
Isang posibleng kaso ng monkey pox infection ang kasalukuyang inoobserbahan ng Integrated Provincial Health Office sa Lanao del Sur at ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang pasyenteng na puno ang katawan ng pantal na may likido sa loob, ay residente ng Barangay Masao sa Malabang, isa sa mga bayan sa pangalawang distrito ng Lanao del Sur.
Nasa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City na ang pasyente, ayon sa mga hiwalay na mga ulat nitong Sabado mga manggagamot na sina Kadil Monera Sinolinding, Jr. na siyang health minister ng Bangsamoro region at si Allen Minalang, chief ng IPHO-Lanao del Sur.
Pinag-iingat ng dalawang health officials ang mga residente ng Lanao del Sur at iba pang mga probinsya sa BARMM laban sa monkey pox at nanawagan silang magpasuri agad ang sinumang makaramdam ng mga sintomas nito katulad ng lagnat, mga butlig sa katawan, pamamaga ng lymp nodes, o kulani, labis na pagkapagod kahit wala namang serious physical exertions at pananakit ng katawan. (Nov. 23, 2024)