Dalawang mga bolanterong dealer ng mga gamit sa bahay ang agad na namatay sa mga tama ng bala na kanilang natamo ng pagbabarilin ng isang lalaki sa Barangay Mangalut sa Akbar, Basilan nitong hapon ng Martes, June 3, 2025.
Sa mga hiwalay na ulat ng Akbar Municipal Police Station at ng Basilan Provincial Police Office, patay na sina Radzmel Marajan Jumadil, 25-anyos, at ang kanyang 21-anyos na kasamang si Adih Villacura ng datnan ng mga barangay tanod at mga pulis na nagresponde sa insidente.
Naglalako ng mga plastic na mga upuan, mga mesa, foam mattresses at iba pang mga gamit sa bahay ang magkasosyo sa maliit na negosyong sina Jumadil na taga Mariki, Zamboanga City, at Villacura na residente naman ng Aguada sa Isabela City, Basilan.
Sakay sila ng tricycle na lulan ang kanilang mga paninda ng harangin ng isang armadong lalaki sa Sitio Lingasug sa Barangay Mangalut sa Akbar at agad na pinaputukan nagresulta sa kanilang agarang kamatayan. Nakaligtas sa naturang pamamaril ang driver ng tricycle na nakatakbo palayo.
Agad na tumakas ang salarin na inaalam pa ng mga imbestigador ng Akbar MPS kung sino at kung ano ang kanyang motibo sa pagsagawa ng naturang krimen. (June 4, 2025)
