Karagdagang 119 pa na mga batang Moro sa Barangay Bualan sa bagong tatag na bayan ng Tugunan sa Cotabato ang natuli ng libre nitong Lunes sa pagtutulungan ng mga peace advocacy at humanitarian groups at dalawang mga opisyal ng Bangsamoro regional government.
Inuulat nitong Martes ni Omar Piang, chairman ng Barangay Bualan, at Mayor Abdullah Abas ng Tugunan, isa sa walong mga bayan ng Bangsamoro region sa probinsya ng Cotabato, na maliban sa 119 na mga batang natuli ng walang bayad, 107 din na mga residenteng may problema sa mata ang nasuri at nabigyan ng mga salamin sa naturang outreach activity.
Magkatuwang sa naturang humanitarian mission ang tanggapan ni Bangsamoro Health Minister Kadil Monera Sinolinding, Jr., si Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua, ang Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, Cotabato at mga pribadong cause-oriented groups na sumusuporta sa peace process ng pamahalaan sa mga Moro areas sa Central Mindanao.
Ayon sa mga local officials ng Tugunan, nabigyan ng grupong nagsagawa nitong Lunes ng humanitarian mission ang 80 na mga residente ng barangay ng mga reading glasses at 27 na iba pang may cataract at pterygium ang nakatakda ng sasailalim sa eye surgery na gagawin mismo ni Sinolinding, na isang ophthalmologist at kasapi din ng Bangsamoro regional parliament na may 80 na mga miyembro.
Nito lang Sabado, 58 na mga batang Muslim at Kristiyano mula sa iba’t-ibang lugar sa Kabacan at mga karatig na mga barangay na sakop ng Bangsamoro region ang natuli ng libre ng medical outreach team nila Sinolinding kanyang extension office sa naturang bayan. (June 3, 2025)