Naiuwi na sa Calatagan, Batangas ang mga labi ng tatlong mga taga hatid ng mga hybrid na kambing na pang-breeding sa mga buyers na malinaw na niloko, kinidnap, ninakawan pa ng mga gamit bago ginapos, pinatay at inilibing sa mababaw na hukay sa Barangay Nabundas sa Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao del Sur
Ang kanilang mga bangkay, nahukay ng mga pulis at mga barangay officials sa Sitio Goma sa Barangay Nabundas sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur, ay na-airlift patungong Manila nitong Lunes, June 2, ng isang Philippine Air Force C-130 plane mula sa Cotabato Airport sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Nahukay ng mga pulis at mga barangay officials nitong Biyernes, May 30, 2025, ang mga bangkay nila John Luis Olarte, Gerry Olarte at Ronald Alumno sa isang liblib na lugar sa Sitio Goma sa Barangay Nabundas, nakagapos ang mga kamay sa kanilang mga likod.
Nagtungo ang tatlo sa Nabundas upang maghatid diumano ng mga hybrid na kambing sa isang contact na malinaw na gumamit lang ng pangalang Khomeini Bunsuan Tan upang makapanloko. Ang tatlo ang siyang tagahatid ng isang goat farm sa Batangas, nagbebenta ng Boer goats na imported ang lahi, sa mga bumibili sa ibat-ibang rehiyon.
Sa ulat ng mga local executives at ng mga opisyal ng PRO-BAR, silang tatlo, sakay ng isang Mitsubishi L300 na close-type cargo van na may kargang mga kambing, ay dinala ng mga lalaking kunwari ay bibili sa kanila nito sa isang liblib na lugar sa Nabundas at doon na pinatay at inilibing sa isang mababaw na hukay.
Unang naiulat ng kanilang mga kamag-anak sa mga units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang pagkawala ng tatlo dalawang linggo bago nadiskubreng nakidnap sila, dinala sa Barangay Nabundas at doon na pinatay ng walang kalaban-laban.
Magkatuwang ang PRO-BAR at ang 6th Infantry Division ng Philippine Army, na parehong sakop ang Maguindanao del Sur province, sa pagpapa-airlift ng mga labi ng mga tatlo ng Air Force C-130 aircraft mula Cotabato Airport patungong Villamor Airbase sa Manila. (June 2, 2025, handout photo)
