Nagsama-sama ang mga residenteng Muslim, Christian at non-Moro indigenous people sa Cotabato City sa paglinis ng kapaligiran ng Barangays Rosary Heights 10 at 12 at sa Barangay Poblacion 5 sa lungsod nitong Linggo, July 6, 2025.
Ang kanilang pagbuklod at pagsagawa nito ay bilang suporta sa clean-up drive sa Cotabato City ng tanggapan ni Attorney Naguib Sinarimbo na miyembro ng Bangsamoro regional parliament. Si Attorney Sinarimbo ay naging local government minister ng autonomous region bago naitalagang regional parliament member ni President Ferdinand Marcos, Jr. nitong March 2025.
Ang isinagawang clean-up drive nitong Linggo ng mga volunteers sa tatlong barangays sa lungsod ay suporta din sa cleanliness at environment-protection efforts ng Bangsamoro regional government at ng Cotabato City local government unit. Ang kapitolyo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay nasa uptown area ng Cotabato City.
Nilinis ng mga volunteers na sumusuporta sa magkatuwang na kampayang pangkalinisan ng kapaligiran ni Member of Parliament Sinarimbo at ni Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua ang mga madamong mga gilid ng mga kalye sa Barangay Rosary Heights 10 at 12 at Barangay Poblacion 5. Kanila ding inalis ang mga bara sa mga kanal sa naturang mga lugar sa tradisyonal na bayanihan, o pintakasi style na community service.
Namigay ang tanggapan ni Chief Minister Macacua ng bigas sa lahat ng mga Muslim, Christian at non-Moro indigenous people na nagsamasama sa naturang clean-up activity. (July 7, 2025)