Nasamsam ng hindi unipormadong mga pulis ang P510,000 na halaga ng shabu sa isang lalaking dealer na nalambat sa Barangay Kakar sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Linggo, July 6, 2025.
Isang baguhang drug trafficker ang suspect, si Aburaida Kuka Musa, bago lang nasangkot sa pagbebenta ng shabu, ayon sa mga intelligence officials ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.
Naka-detine na si Musa, residente ng Barangay Pageda sa Talitay, Maguindanao del Norte, na-entrap sa tulong ng mga barangay officials at traditional Moro leaders sa Datu Odin Sinsuat.
Kinumpirma nitong Lunes ni Brig. Gen. Jaysen Carpio De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na abot sa P510,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa suspect ng mga operatiba ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa naturang entrapment operation.
Ayon kay De Guzman, kusang loob ng nagpaaresto si Musa ng malamang mga kasapi pala ng Datu Odin Sinsuat police force, pinangungunahan ni Capt. Sammy Paning at ng kanilang hepe, si Major Pasigan Abas, ang kanyang nabentahan ng 75 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P510,000, sa isang lugar sa Barangay Kakar sa naturang bayan.
Pinasalamatan ng De Guzman ang mga barangay officials sa Kakar at ang mga bagong halal na mayor ng Datu Odin Sinsuat, si Abdumain Abas, at Vice Mayor Bobsteel Sinsuat, sa kanilang masigasig na suporta sa anti-illegal drugs campaign ng PRO-BAR sa kanilang bayan. (July 7, 2025)