Natunton ng mga pulis nitong gabi ng Linggo sa Compostela, Davao de Oro ang nagtatagong mayor ng Pangantucan sa Bukidnon na wanted sa kanilang probinsya sa kasong panggagahasa ng menor-de-edad.
Kinumpirma nitong Martes ng Davao de Oro Provincial Police Office at ng Police Regional Office-11 ang pagkaaresto kay Mayor Miguel Ariola Silva ng Pangantucan, nasukol ng mga pulis sa tulong ng kanyang mga kababayan sa Purok 1 sa Barangay Poblacion sa Compostela.
Magkatuwang na hinanap si Silva sa Davao de Oro sa Region 11 ng mga operatiba ng PRO-11 at ng Bukidnon Provincial Police Office, pinamumunuan ni Col. Jovit Culaway, matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente ng Pangantucan hinggil sa kanyang pagtatago ng sa naturang probinsya.
Wanted si Silva sa kasong panggahasa ng batang babae, naisampa sa Regional Trial Court Branch 9 sa Malabalay City sa Bukidnon.
Sa inisyal ulat ng Compostela Municipal Police Station nitong Lunes, hindi na pumalag ang wanted na si Silva ng pakitaan ng warrant of arrest ng mga pulis mula sa Bukidnon at mga units ng PRO-11, inilabas ng korte nitong nakalipas na taon at walang piyansang nirekomenda sa kanyang pansamantalang paglaya. (February 4, 2025)