
Dalawang lalaking Moro ang patay habang tatlo naman ang sugatan sa tatlong mga insidente ng pamamaril sa probinsya ng Cotabato sa loob lang ng dalawang araw.
Unang napatay ang motoristang si Bayan Pangulagoy sa isang ambush sa Barangay Punol sa Pikit, Cotabato nitong hapon ng Sabado.
Sa pahayag nitong Lunes ng mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office at ng Police Regional Office-12, magkaangkas sa motorsiklo si Pangulagoy at ang kanyang pinsan na si Mohaimen Pangulagoy ng sila ay binaril, gamit ang M16 rifle, ng isang lalaking nakaabang sa gilid ng kalye sa Barangay Punol.
Agad na namatay si Pangulagoy sa naturang pananambang na nagsanhi sa pagkasugat ng kanyang kaangkas na kamag-anak.
Bandang hatinggabi naman ng Sabado ng mapatay ng pitong mga lalaking armado ng M16 rifles ang magsasakang Moro na si Johari Santi sa Barangay Dalingaoen sa Pikit.
Nilapitan ng mga armado ang bahay nila Santi sa Barangay Dalingaoen at pinagbabaril ng assault rifles na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay at pagkasugat ng kaniyang kabiyak na ginagamot na sa isang hospital.
Isang Muslim preacher naman, si Ustadz Hasim Suboh, ang sugatan sa ambush sa hindi kalayuang bayan ng Midsayap sa Cotabato nitong umaga ng Lingggo.
Ayon kay Col. Gilbert Tuzon, director ng Cotabato Provincial Police Office, sakay ng kanyang motorsiklo si Suboh ng paputukan ng ilang ulit ng .45 caliber pistol ng isang lalaking nakapuwesto sa gilid ng highway sa Barangay Salunayan sa naturang bayan.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan si Suboh na agad namang dinala sa isang hospital ng mga emergency responders at mga pulis na tumugon sa insidente.
Wala pang linaw sa mga imbestigador ng pulisya sa Pikit at Midsayap kung sino ang mga responsable sa mga hiwalay na pagpatay kina Pangulagoy at Santi at sa pag-ambush kay Suboh, lahat mabilis na nakatakas. (February 10, 2025, handout photo)