Isang wanted sa kasong carnapping at homicide ang napatay ng mga pulis ng manlaban ng kanila sanang aarestuhin ng mapayapa sa Barangay Ladtingan sa Pikit, Cotabato nitong Martes, May 27, 2025.

Kinumpirma nitong Miyerkules ni Col. Gilberto Tuzon, director ng Cotabato Provincial Police Office, na ang napatay sa insidente na si Darren Hadji Ali ay may kasong carnapping at homicide sa Regional Trial Court Branch 22 sa Kabacan, Cotabato.

May inilabas na warrant of arrest para kay Ali ang RTC Branch 27 nitong February 26, 2025 kaugnay ng naturang kaso. Walang piyansang nirekomenda ang korte sa naturang arrest order.

Ayon kay Tuzon at kay Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, sisilbihan sana ng warrant of arrest ng mga tropa ng Pikit Municipal Police Station at ibat-ibang mga units ng Cotabato Provincial Police Office at ng PRO-12 si Ali ng matunton sa Barangay Ladtingan ngunit siya ay pumalag, naglabas ng .45 caliber pistol kaya nagkaputukan na nag resulta sa kanyang agarang kamatayan.

Ayon kay Ardiente, natunton ng mga pulis si Ali, may alias na Long Hair, sa Ladtingan sa tulong ng mga impormante, ilan sa kanila kanyang mga ka-barangay.

Si Ali ay residente ng Barangay Balong sa bagong tatag na bayan ng Tugunan na sakop ng Bangsamoro region, hindi kalayuan sa sentro ng Pikit na nasa teritoryo ng Cotabato na sakop naman ng Administrative Region 12. (MAY 29, 2025)