All is well, walang hindi pagkakaintindihan.
Ganoon ang tema ng mga hiwalay na pahayag nitong Martes, July 1, 2025, ng chairman ng Moro Islamic Liberation Front, si Ahod Balawag Ebrahim, na naging pinakaunang appointed chief minister ng Bangsamoro region, at ni incumbent Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua.
Naitatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong 2019, resulta ng dalawang dekadang peace talks ng MILF at ng Malacañang. Ang MILF ang siyang namamahala ng BARMM government sa kasalukuyan batay sa kontexto ng government-MILF peace process.
Si Ebrahim at Macacua ay magkatabi ang mga upuan nitong Martes, July 1, sa Maguindanao del Sur provincial capitol sa bayan ng Buluan habang ginaganap doon ang symbolic assumption to office ng bagong halal na governor ng probinsya, si Hadji Datu Ali Midtimbang, at Vice Gov. Hisham Nando.
Si Midtimbang at Nando ay mga kandidato sa naturang mga puwesto ng partido ng MILF, ang United Bangsamoro Justice Party, nitong May 12, 2025 elections.
Magkahiwalay na nilinaw ni Ebrahim at Macacua, habang nasa naturang okasyon, na taliwas sa mga ikinakalat ng ilan, wala silang naging hidwaan dahil lang sa pagbabago ng liderato ng Bangsamoro government at ilang mga governance issues sa rehiyon.
Unang naitalagang BARMM chief minister, bilang presidential appointee, si Ebrahim at, nitong March 2025, ay napalitan ni Macacua batay sa appointment ni President Ferdinand Marcos, Jr.
Si Ebrahim ang chairman ng central committee ng MILF. Si Macacua naman ang siyang namumuno ng MILF-Bangsamoro Islamic Armed Forces.
Ayon kay Ebrahim at Macacua, matatag ang kanilang samahan bilang mga pioneer leaders ng MILF.
Kanilang hinikayat ang mga bagong halal na governor at vice governor ng Maguindanao del Sur na magkaisa sa pagsulong ng mga adhikain ng Mindanao peace process at tutukan ang mga programang makakapaunlad sa mga Muslim, Christian at non-Moro indigenous communities na sakop ng provincial government na magkatuwang nilang pamumunuan.
Si Midtimbang, na mula sa isang noble Moro clan, ay kilalang masigasig na supporter ng Mindanao peace process.
Ayon kay Midtimbang, kanyang sisikapin na mapagkaisa ang mga traditional community at religious leaders, mga mayors at vice mayors sa Maguindanao del Sur sa mga peace and development programs na makakatulong sa mga magkatuwang na security at community-development objectives ng Malacañang at ng BARMM government.
Makikita sa larawan na sabay, at taimtim na na nagdarasal sina Ebrahim at Macacua sa invocation rite na bahagi ng programang kaugnay ng ginawang official assumption to office ng kanilang mga kapartidong bagong governor at vice governor ng Maguindanao del Sur nitong Martes, July 1, sa provincial capitol sa bayan ng Buluan. (July 2, 2025)