Tinatayang nasa 12 ang patay habang 28 naman ang sugatan sa karambola ng limang sasakyan na naganap kahapon ng tanghali sa isang bahagi ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) sa probinsya ng Tarlac.

Ayon kay Lt. Col. Romel Santos, director ng Tarlac Provincial Police Office, dakong alas-12:30 ng tanghali nang mangyari ang insidente na kinabibilangan ng Toyota Veloz, 18-wheeler trailer truck; Nissan Urvan; Kia Sonet; at isang Solid North Transit Bus.

Sa report ng Tarlac police force, binangga ng Solid North Transit Inc. na may plate number UVK-941 na minamaneho ni Teodoro Merjan ng Malawa, Lingayen, Pangasinan ang SUV na nasa kanyang unahan na nakapila sa toll plaza.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na na nakatulog ang driver ng naturang bus na nagresulta sa aksidente.

Agad namang nagpadala ng ambulansya ang Philippine Red Cross (PRC) lulan ang apat na staff para tumulong sa insidente na nangyari sa SCTEX.

Naging pahirapan din ang pagtatanggal sa mga labi ng mga biktima na naipit sa kanilang mga sasakyan. (Ulat ng Pilipino Star Ngayon, May 2, 2025, Doris Franche Borja)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *