Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang provincial information officer sanhi ng pamamaril mismo ng kanyang security escort nitong gabi ng Huwebes habang sila ay nasa isang beach resort sa bayan ng Vincenzo Sagun sa Zamboanga del Sur.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Biyernes ng mga opisyal ng Vincenzo Sagun Municipal Police Station at ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office, hindi na umabot ng buhay sa pagamutan si Jesriel Gasper Himang, information officer ng Zamboanga del Sur provincial government na binaril ng apat na beses ng kanyang bodyguard na si Reymond Antifuelo Lopecillo.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala ang kasama ni Himang na si Celquen Mae Arellano na pinaputukan din ni Lopecillo na agad namang naaresto ng mga barangay officials at mga kasapi ng Vincenzo Sagun police force na nag-responde sa madugong insidente, naganap sa Purok Puting Balas sa Barangay Ambulon sa Vincenzo Sagun.
Ayon kay Capt. Brainhulla Sakkam, municipal police chief ng Vincenzo Sagun, nag-iinuman sina Himang, Arellano at si Lopecillo sa isang function facility ng RM Beach Resort sa Purok Putting Balas ng biglang nagtalo silang tatlo bago umalingawngaw ang ilang mga putok sa kapaligiran.
Sa salaysay ng mga saksi, biglang naglabas ng .45 caliber pistol si Lopecillo sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo at agad na pinagbabaril sila Himang at Arellano.
Hindi na pumalag si Lopecillo ng disarmahan ng mga pulis na kasama ni Sakkam na mabilis na naka-responde sa insidente. Siya at nakadetine na sa municipal police station ng Vincenzo Sagun. (JUNE 20, 2025)
