Dalawa ang patay habang anim na iba pang pasahero ng isang kulay itim na passenger van ang sugatan sa ambush sa Barangay Bagan sa Guindulungan, Maguindanao del Sur nitong gabi ng Lunes, August 25, 2025.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Martes ng Maguindanao Del Sur Provincial Police Office at ng mga opisyal ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, mula sa Cotabato City ang van, may plakang MCV 4862, ng paputukan ng mga armadong nakaabang sa gilid ng highway sa Barangay Bagan.
Agad na namatay sa mga tama ng bala ang etnikong Maguindanaon na si Mazks Mamo, isa sa mga pasahero ng van na niratrat ng mga salarin ng assault rifles. Isa sa mga pitong sugatan sa naturang pananambang, si Allan Mamo, ang pumanaw sa Maguindanao Provincial Hospital kung saan siya at anim na iba pang may mga tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan dinala ng mga emergency responders para malapatan ng lunas.
Mabilis na nakatakas ang mga nag-ambush sa pampasaherong van gamit ang isang kulay itim na minivan na walang plaka, ayon sa mga saksi.
Nagawa pang i-maneneho ng driver ang van na tadtad na ng bala hanggang sa hindi kalayuang bayan ng Datu Saudi Ampatuan at doon na nagpasaklolo sa mga kasapi ng Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station.
Magkatuwang na inaalam pa ng mga imbestigador ng mga municipal police units sa Guindulungan at sa Datu Saudi Ampatuan kung sino ang mga responsable sa naturang krimen. (August 26, 2025, Maguindanao del Sur, Bangsamoro Region)