COTABATO CITY (Sept. 29, 2025) — Nagkasundo nitong Sabado, September 27, ang central committee ng Moro National Liberation Front, mga MNLF at Moro Islamic Liberation Front leaders sa Bangsamoro Special Geographic Area sa probinsya ng Cotabato na mas palawigin pa ang kanilang koordinasyon sa pagpapatupad ng municipal peace and security programs bilang suporta sa Mindanao peace process ng Malacañang.

Ang MNLF at ang national government ay may final peace agreement, nilagdaan ng mga negotiators ng magkabilang panig noong September 2, 1996 sa Jakarta, Indonesia.

Dinalaw nitong Sabado ni MNLF Chairman Muslimin Sema, kasalukuyang minister ng Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang pioneer MNLF at MILF leaders sa bagong tatag na Kapalawan municipality sa Special Geographic Area at, doon, kanilang pinag-usapan ang mga peace and development issues sa naturang bayan at sa iba pang mga lugar sa probinsya ng Cotabato na may mga residenteng miyembro ng MNLF at ng Moro Islamic Liberation Front.

Sa kanilang meeting nitong Sabado, nagpalitan ng kanilang kanya-kanyang pagtiyak ng kanilang kooperasyon sa mga peace and security initiatives sina Sema at ang pinakamataas na opisyal ng MILF sa Kapalawan, si Datu Kineg Inalang, na siyang namumuno ng kanilang political committee sa Cotabato province. Dumalo sa naturang pagpupulong ang ilang pang mga MILF at MNLF leaders sa Kapalawan at mula sa mga karatig na bayan sa Cotabato province.

Sakop ng Bangsamoro Special Geographic Area ang 63 barangays sa iba’t-ibang bayan sa Cotabato sa Region 12 na pinagsama-sama na sa walong mga bayan — ang Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan at Ligawasan — ng Bangsamoro regional parliament nitong nakalipas lang na taon.

Ang Kapalawan ay binubuo ng ilang mga barangay na dating nasa teritoryo ng mga bayan ng Carmen at Kabacan sa Cotabato province na ang gobernadora, si Emmylou Taliño-Mendoza, ay kilalang supporter ng peace efforts ng Malacañang sa mga Moro-dominated areas sa kanilang probinsya.

Si Kineg, isang combatant ng MNLF noong 1970s bago naging MILF official, at si Sema ay nagkasundo din na tumulong sa mga peace and development initiatives ng tanggapan ni Taliño-Mendoza sa mga lugar sa Cotabato province na may mga residenteng miyembro ng MNLF at ng Moro Islamic Liberation Front.

Suportado ng mga MNLF at MILF leaders sa Cotabato province ang liderato ni Taliño-Mendoza at kanilang ikinampanya ang kanyang kandidatura sa pagka-governor nitong May 12, 2025 elections na ayon sa kanila ay bilang ganti sa kanyang pag se-serbisyo publiko sa mga Moro communities sa ilang mga bayan na sakop ng kanyang administrasyon at sa Special Geographic Area.

Makikita sa larawan si Sema at si Kineg sa kanilang pagtagpo sa Kapalawan nitong Sabado. (Larawang mula sa tanggapan ni MoLE-BARMM Minister Muslimin Sema)