Matapos ang mahigit isang dekada ng pagkasira at pagkaabala, muling nagbukas sa publiko ang Taluksangay Bridge sa Zamboanga City ngayong Sabado, Hunyo 14.
Pinangunahan mismo ni Mayor John Dalipe ang pormal na turnover ng proyekto, kasama sina Vice Mayor Josephine “Pinpin” Pareja, City Councilor Jihan Edding, at mga barangay official sa pangunguna ni Kapitan Datu Abdurahman Nuño.
Maituturing na tagumpay ng komunidad ang pagbubukas ng tulay, na labindalawang taon ding hindi nagamit dulot ng pagkasira at matagal na pagkaantala sa pagsasaayos.
Ang Taluksangay Bridge ay nagsisilbing mahalagang daanan para sa mga residente, estudyante, at mga mangingisda — kaya’t malaki ang naging epekto ng pagkakasira nito noon.
Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ito ng mas malawak na programa ng imprastruktura sa lungsod para sa mas maayos at ligtas na transportasyon sa mga barangay.
