Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang tricycle driver na biktima ng pamamaril sa Barangay Kalaisan sa Kidapawan City nitong Martes ng umaga, September 16, 2025.
Sa ulat nitong Miyerkules ng mga barangay officials at ng Kidapawan City Police Station, minamaneho ni Romelito Codilla, 37-anyos, ang kanyang tricycle ng tambangan sa isang liblib na bahagi ng highway sa Lower Kalaisan.
Nagawi sa masukal na gilid ng highway ang tricycle ni Codilla, residente ng Sitio Fatima sa Junction area sa Kidapawan City at nagawa pa nitong bumaba bago nabuwal at nalagutan ng hininga.
Nagtutulungan ang mga barangay officials at mga imbestigador ng Kidapawan police force sa pagkilala sa salarin na responsable sa naturang krimen upang masampahan ng kaukulang kaso. (September 17, 2025, Kidapawan City, Cotabato Province, Region 12)