𝗧𝗮𝘁𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗻𝗴𝗸𝗮𝘆 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗹𝗮𝗹𝗮𝗸𝗶 𝗻𝗮𝗵𝘂𝗸𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗠𝗮𝗴𝘂𝗶𝗻𝗱𝗮𝗻𝗮𝗼 𝗱𝗲𝗹 𝗦𝘂𝗿

Tatlong mga bangkay ng hindi pa nakikilalang mga lalaki ang nahukay ng mga pulis sa Sitio Goma sa Barangay Nabundas sa Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao del Sur nitong Biyernes, May 30, 2025.

Kinumpirma ng mga opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at mga local executives sa Shariff Saydona Mustapha nitong gabi ng Biyernes na nahukay at naihatid na sa isang punerarya sa Barangay Kauran sa Ampatuan, Maguindanao del Sur ang mga bangkay, inaalam na kung ano ang kanilang mga pangalan.

Nalaman ng mga pulis ang eksaktong pinaglibingan sa mga bangkay sa Sitio Goma sa Barangay Nabundas sa tulong ng mga residenteng nagreklamo hinggil sa masamang amoy sa isang lugar sa isang rubber plantation sa naturang lugar.

Matatandaang may tatlong mga lalaking dealer ng imported hybrid na mga kambing na pang-breeding ang naiulat na nawala sa Maguindanao del Sur habang makikipagkita sa kanilang contact sa isang bayan sa probinsya.

Inaalam pa ng mga imbestigador ng pulisya ang tunay na mga identities ng tatlong mga bangkay. (May 31, 2025, handout police photo)