Ilang libong mga residente ng South Upi, Maguindanao del Sur ang nag-rally nitong Huwebes bilang suporta sa kanilang mayor na nahaharap sa mga kasong kaugnay ng pagpaslang, sa isang ambush, ng kanilang vice mayor nitong nakalipas na taon.
Kusang loob na sumuko nitong Martes sa mga opisyal ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng Criminal Investigation and Detection Group si South Upi Mayor Reynalbert Insular at ang kanyang misis, si Janeth, matapos maglabas ng warrants of arrest para sa kanila ang Regional Trial Court Branch 27 sa Cotabato City.
Sila ay nakasuhan sa naturang korte ng murder, frustrated murder at attempted murder kaugnay ng pagkakapatay kay South Upi Vice Mayor Roldan Benito at kasamang si Weng Marcos sa isang ambush sa Barangay Pandan sa naturang bayan nitong August 2, 2024. Sugatan sa naturang pananambang ang kabiyak ni Benito na si Analyn at kasama nilang estudyante na si Joseph Mutia.
Ayon sa mga nag-organisa ng rally sa poblacion ng South Upi nitong Huwebes, hindi sila kumbinsidong may kinalaman sa naturang krimen ang kanilang third-termer mayor, nahalal na vice mayor nitong May 12 elections. Mas naniniwala silang gawa-gawa lang ang naturang kaso na para sa kanila ay kulang sa ebidensya na magdidiin sa kanya na may kinalaman sa naturang insidente.
Alam sa South Upi, balwarte ng mga etnikong Teduray, na matalik na magkaibigan ang pamilya ni Insular at ni Benito. Marami ang naniniwala sa mga residente ng naturang bayan na gawa-gawa lang ng mga kalaban ni Insular ang naturang kaso.
May teorya ang mga residenteng Teduray at Moro sa South Upi na mga kalaban ng mayor sa pulitika ang nasa likuran ng pagbibintang sa kanya at kanyang kabiyak na mga masterminds sa pananambang kay Benito at kasama nitong si Marcos.
Ayon sa mga lumahok sa rally, mas naniniwala silang ang pag-ambush kay Benito ay kaugnay ng kanyang popular na pakikipaglaban sa pang-aagaw ng mga armadong mga taga labas ng mga sakahan ng mga Teduray na nasa kanilang mga ancestral lands sa South Upi. (May 23, 2025)
