Naaresto ng mga pulis nitong Lunes ang isang miyembro ng teroristang grupo na wanted sa pambobomba ng isang bus sa Tulunan, Cotabato noong January 27, 2021 at iba pang mga high-profile criminal cases. Kinumpirma nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na nakakulong na si Tasludin Kuda Saligan, nasukol ng mga operatiba ng ibat-ibang mga units ng PRO-BAR at mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection group sa Barangay Badak sa General SK Pendatun, Maguindanao del Sur.
Ayon sa mga local executives sa Maguindanao del Sur, si Saligan ay miyembro ng dalawang ngayon ay mahina ng mga magkasanib na Dawlah Islamiya at Al-Khobar terror groups na itinuturong responsable sa mga serye ng pambobomba sa Central Mindanao mula 2014.
Si Saligan may kinakaharap na mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder, robbery at extortion sa ibat-ibang mga korte sa Central Mindanao, kabilang na ang kanyang pagkakasangkot, bilang isa sa mga masterminds, sa pambobomba noong 2021 ng isang unit ng Yellow Bus Company sa Tulunan, Cotabato na nagresulta sa pagkasugat ng maraming mga pasahero at pagkasawi ng tatlong iba pa. Ayon kay Macapaz, natunton si Saligan sa General SK Pendatun ng mga magkasanib na mga operatiba ng PRO-BAR, ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ng mga agents ng CIDG Field Unit sa Bangsamoro region sa tulong ng mga local officials at mga Muslim religious leaders na suportado ang mga anti-terror operations ng pulisya sa Central Mindanao.
Kusang loob na nagpa-aresto si Saligan ng masukol ng mga pulis sa public market ng Gen. SK Pendatun at pakitaan ng mga warrants of arrest mula sa Regional Trial Court Branch 15 sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur at sa RTC Branch 23 sa Kidapawan City. (APRIL 30, 2025)