Home » Sundalong nasawi sa encounter, nauwi na sa pamilya

Sundalong nasawi sa encounter, nauwi na sa pamilya

Naiuwi na sa kanyang lugar ang Army corporal na nasawi sa kanilang palitan ng putok sa mga teroristang New People’s Army sa Barangay Datu Ito Andong sa Kalamansig, Sultan Kudarat nitong madaling araw ng Huwebes, June 19, 2025.

Tatlong kasapi ng NPA ang napatay ng grupo ng nasawing si Corporal Jay-Ar Baay ng 37th Infantry Battalion sa naturang insidente.

Mismong si Major Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division, ang nangasiwa ng pagpapahatid ng mga labi ni Corporal Baay sa kanilang tahanan sa Barangay Pisan sa Kabacan, Cotabato, matapos mag-misa ang kanilang division chaplain para sa kanya sa chapel ng 6th ID sa Camp Siongco, Maguindanao del Norte nitong Biyernes, June 20, 2025.

Sa ulat ng mga local officials at mga pinuno ng mga etnikong grupo sa Kalamansig, sumiklab ang engkwentro sa Barangay Datu Ito Andong ng paputukan ng mga NPA ang mga tropa ng 37th IB na ipinadala sa naturang lugar matapos mag-ulat ang mga residente doon hinggil sa presensya ng mga rebelde na sapilitang nangingikil sa kanila ng pera at bigas.

Kanila ding kinumpirma na ang dalawang mga guerilla na napatay ng mga sundalo, sina Brix Alison at Tomas Sales, ay may mga mataas na katungkulan sa Sub-Regional Committee-Daguma Area at Regional Sentro de Gravidad ng NPA at isang platoon medic naman ang kasama nilang nasawi sa insidente na si Myca Bunsing. Silang tatlo ay may mga kinakaharap na mga kaso sa iba’t-ibang mga korte sa Central Mindanao kaugnay kanilang pagkakasangkot sa mga high-profile na mga krimen.

Mismong mga residente ng naturang barangay na matagal ng nagrereklamo sa pangingikil sa kanila ng pera ng ilang natitira pang mga miyembro NPA ang nagsuplong sa presensya sa kanilang lugar ng tatlong mga napaslang ng mga kasapi ng 37th IB sa engkwentro nitong madaling araw ng Huwebes.

Iniulat ni Brig. Gen. Michael Santos, commander ng 603rd Infantry Brigade, na nasamsam ng mga tropa ng 37th IB ang apat na M16 rifles at mga pampasabog na kanilang natagpuan sa tabi ng mga bangkay ng tatlong napatay na mga NPA. (June 21, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *