Naka-kumpiska ng shabu ang mga pulis sa isang lalaking dealer sa kanilang ginawang search operation sa Barangay Katipunan sa Kidapawan City nitong madaling araw ng Martes, September 16, 2025.

Agad na na-detine ang nakatira sa naturang bahay, si Jaylon Guboc Flores, na ayon sa mga confidential informants at barangay officials ay dealer ng shabu at may mga contacts sa ilang mga lugar sa Kidapawan City, ang kabisera ng Cotabato Province sa Region 12.

Isinailalim sa isang search operation ang tahanan ni Flores ng mga operatiba ng Kidapawan City Police Station at ng Cotabato Provincial Police Office batay sa ulat ng mga impormante hinggil sa kanyang pagbebenta ng shabu.

Natagpuan sa kanyang tahanan ang dalawang malaking pakete ng shabu at apat pang maliliit na sachets nito, ayon sa inisyal na ulat ng Kidapawan City Police Station. Sa ulat nitong umaga ng Martes, kinumpirma ng Brig. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, na nakadetine na ang suspect, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (September 16, 2025, Kidapawan City, Region 12)