Agad na nadetine ang isang 40-anyos na lalaki na nagbenta ng shabu sa hindi mga unipormadong pulis sa isang entrapment operation sa Barangay Poblacion 5 sa Cotabato City nitong gabi ng Lunes, September 15, 2025.
Sa ulat ng mga barangay officials nitong Martes, September 16, 2025,nasa kustodiya na ng Cotabato City Police Precinct 1 ang suspect, si Arab Sabdullah Mama, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, magkatuwang sa pamumuno ng naturang matagumpay na entrapment operation ang hepe ng Cotabato City Police Precinct 1 na si Capt. Harmin Sinsuat at ang director ng Cotabato City Police Office, si Col, Jibin Bongcayao.
Iniulat ng mga barangay at city local government officials na nakatulong sa naturang entrapment operation na hindi na pumalag si Mama ng arestuhin ng mga hindi unipormadong mga pulis na kanyang nabentahan ng tatlong sachets ng shabu sa isang lugar sa Rajah Tabunaway Street sa Barangay Poblacion 5.
Agad na pinasalamatan ni De Guzman at Bongcayao ang mga barangay officials at ang tanggapan ni Mayor Bruce Matabalao sa pagtulong sa pagkasa ng naturang entrapment operation na nagresulta sa pagka-aresto sa suspect at pagsamsam mula sa kanya ng tatlong sachets ng shabu. (September 16, 2025, Cotabato City, Bangsamoro Region)