COTABATO CITY (January 4, 2026) Isang dealer ng shabu na kilalang drug addict din ang nalambat sa Mother Barangay Poblacion sa Cotabato City mga pulis nitong Sabado, January 3, sa tulong ng kanyang mga kapamilya at city officials na nagsuplong ng kanyang mga illegal na gawain.
Nakapiit na sa isang police detention facility si Sa-Anudin Sirad Maramdacan, na ayon sa mga kamag-anak at mga barangay officials sa Cotabato City ay nagbebenta din ng marijuana na ipinapasa sa kanya ng ilang mga nalalabi pang mga kasapi ng nabuwag ng mga teroristang grupong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na hindi pa humahantad upang sumuko at mangako ng katapatan sa pamahaalan.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Linggo ni Col. Jibin Bongcayao, Cotabato City police director, at ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, agad na inaresto ng mga operatiba ng Cotabato City Police Station 2, sa pangunguna ni Captain Anuar Mambatao, ang 31-anyos na suspect na kanilang nabilhan ng P544 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Purok Pindulunan sa Mother Barangay Poblacion sa lungsod.
Ayon kina Bongcayao at De Guzman, naikasa ang naturang entrapment operation matapos mag-ulat ang mismong mga malapit na kamag-anak ng suspect at mga barangay officials sa lungsod hinggil sa kanyang pagbebenta ng shabu sa Cotabato City.
Iniulat din ng kanyang mga kamag-anak sa pulisya at sa ilang mga news reporters sa Cotabato City na si Maramdacan ay may regular na supply din ng marijuana mula sa ilang mga natitira pang mga miyembro ng mga terroristang grupong Dawlah Islamiya at BIFF na kanyang ibinebenta sa mga liblib na lugar sa lungsod.
Ayon sa tiyuhin in Maramdacan na humiling na kilalanin lang na Akmad, kaya nila isinumbong sa mga police officials sa lungsod at sa tanggapan ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang kanyang illegal na gawain dahil sa kahihiyang dulot nito sa kanilang angkan.
Magkahiwalay na pinasalamatan nitong Linggo nila Bongcayao, De Guzman at Matabalao, na siyang chairperson ng Cotabato City Peace and Order Council, ang mga nagsuplong ng pagbebenta ni Maramdacan ng narkotiko kaya agad na naikasa ng entrapment operation na nagresulta sa kanyang pagkaaresto.
