Home » Serbisyo ng Bangsamoro LTFRB mas pinalawig

Serbisyo ng Bangsamoro LTFRB mas pinalawig

Nagkasundo sina Bangsamoro Transportation and Communications Minister Paisalin Pangandaman Tago, na kasapi din ng Bangsamoro regional parliament, at ang mga opisyal at mga kawani ng Bangsamoro Land Transportation Franchising and Regulatory Board (BLTFRB) na mas palawigin pa ang kanilang mga client-friendly policies sa paglilingkod sa publiko.

Kinumpirma nitong Biyernes ni Minister Tago ng Ministry of Transportation and Communications-Bangsamoro Autonomous Region (MoTC-BARMM) na nagpulong sila ng mga opisyal ng BLTFRB, sa pangunguna ni Director Jobayra Tandalong, nito lang nakalipas na linggo kung saan kanilang napagkasunduan na gawing mas simple pa para sa kanilang mga kliyente ang mga prosesong franchising system, pag-proseso ng mga dokumento ng mga sasakyang pampubliko at mga special operation permits para maka-operate ang mga ito sa BARMM.

Ayon kay Tago, ang kanilang client-friendly public service programs ay direktang suporta sa layunin ni Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua na gawing simple para sa mga residente ng BARMM ang naturang mga proseso at upang maging lubos na accessible sa mga Muslim, Christian at non-Moro indigenous communities ang lahat ng ahensiyang nasa ilalim ng Bangsamoro regional government.

Ayon kay Minister Tago, kabilang sa mga natalakay na issues sa kanilang planning conference ng mga kawani ng BLTFRB ay ang pagtiyak na maipapatupad sa BARMM ang mga direktiba at mga polisiya ng central office ng LTFRB kaugnay ng public service activities ng ahensya sa autonomous region.

Naipasa sa Bangsamoro government ang mga functions and powers ng LTFRB batay sa regional charter ng BARMM, ang Republic Act 11054, kilala din bilang Bangsamoro Organic Law.

Ayon kay Minister Tago, bukas tuwing working days ang mga tanggapan ng BLTFRB sa Cotabato City, na siyang capital ng Bangsamoro region, at sa mga probinsya ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan at Tawi-Tawi para sa mga residenteng nais mapaglingkuran ng ahensya. (June 27, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *