Naghain sa Bangsamoro parliament ng panukalang isa-batas na ang taunang pag-gawad ng Salamat Excellence Award for Leadership (SEAL Award) ang bagong talagang regional lawmaker na si Attorney Naguib Sinarimbo, dating local government minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Si Member of Parliament Sinarimbo ang nagpasimula, noong 2022, noong siya ang namamahala ng Ministry of the Interior and Local Government-BARMM, ng taunang paggawad ng SEAL Award sa mga local government officials sa autonomous region na epektibo at masigasig ang pamamalakad ng mga public service activities ng kanilang mga local government units.
Sa mga ulat nitong Linggo, April 20, 2025, Kabilang sa mga co-authors ng panukalang batas ni MP Sinarimbo — ang Salamat Excellence Award for Leadership (SEAL) Act of 2025 — ang lima pang mga parliament members, sina Adullah Hashim, Romeo Sema, Rashdi Adiong, Alirakim Munder at Amer Zaakaria Rakim.
Kung ganap ng regional law ang SEAL Award, tatanggap ng gintong medalya ang mga local government officials na mabibigyan ng naturang parangal, pipiliin bawat taon batay sa mahigpit na mga criteria, maliban pa sa P20 million na cash incentive na magagamit para sa mga community projects ng kanilang mga local government units.
Ang “Salamat” sa Salamat Excellence Award for Leadership ay hango sa pangalan ng isang Maguindanaon, ang yumao ng si Hashim Salamat, ang ustadz na siyang nag-organisa ng Moro Islamic Liberation Front noong 1981, matapos siyang tumiwalag sa Moro National Liberation Front na magkatuwang nilang binuo noong unang bahagi ng dekada ’70 ng noon ay University of the Philippines professor na si Nur Misuari, taga Sulu.
Naitatag ang BARMM noong 2019, bilang makabuluhang resulta ng 22 taon na peace talks ng Malacañang at ng MILF. Pinalitan ng BARMM ang noon ay 27 taon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na hindi kasing lawak ang administrative, fiscal at political powers katulad ng meron ang BARMM regional government.
Nagtutulungan ang MILF at MNLF, na may hiwalay na peace compact sa gobyerno, ang September 2, 1996 government-MNLF peace agreement, sa pamamahala ng ilang mga ahensya ng BARMM regional government na nasa Cotabato City ang kapitolyo. Parehong may mga kinatawan din ang MILF at ang MNLF sa BARMM regional parliament na may 80 na mga miyembro.
Naniniwala si MP Sinarimbo na bibigyan ng basbas ng BARMM parliament members ang panukalang Salamat Excellence Award for Leadership Act of 2025 upang maging ganap na isang regional law. (APRIL 20, 2025)