CAMP SIONGCO, Maguindanao del Norte (August 23, 2025) — Umani ng paghanga mula sa mga residente ng Datu Blah Sinsuat at iba’t-ibang sector sa probinsya ng Maguindanao del Norte at sa Cotabato City na kabisera ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang Datu Blah Sinsuat local government unit sa agarang pag-responde nito sa mga emergencies na sanhi ng flashfloods na tumama nitong Biyernes, August 22, 2025, sa ilang mga lugar na sakop nito.
Ang Datu Blah Sinsuat, naitatag mahigit isang dekada pa lang ang nakakalipas at mas kilala bilang DBS, ay isang seaside municipality sa probinsya ng Maguindanao del Norte. Maraming ilog sa DBS ang dinadaluyan ng tubig baha mula sa mga kabundukan patungo sa karagatang sakop nito tuwing tag-ulan.
Sa mga hiwalay na ulat na natanggap nila Major Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division, at ng director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, si Brig. Gen. Jaysen De Guzman, isang pick-up truck na lumubog sa flashflood sa Sulang Creek sa Barangay Pura ang agad na nahatak ng mga emergency responders mula sa DBS Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at mga barangay officials at nailagay sa isang mataas na lugar.
Nakaligtas sa pagkalunod ang mga sakay ng pick-up truck na lumubog sa Sulang Creek, ayon sa mga kawani ng DBS-MDRRMO.
Ang DBS Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ay pinamumunuan ni Mayor Raida Tomawis Sinsuat. Suportado ng mga barangay officials at ng mga traditional Maguindanaon at Teduray community leaders sa DBS ang kanilang MDRRMO.
Naging katuwang ng DBS-MDRRMO sa kanilang emergency response operations nitong Lunes ang tanggapan ng presidente ng Association of Barangay Captains sa naturang bayan, si Datu Mohamad Sinsuat, Jr., incumbent barangay chairman ng Pura, mga tropa ng DBS Municipal Police Station at ng Marine Battalion Landing Team-5 ng Philippine Navy, ayon sa ulat na natanggap ng mga opisyal ng Ministry of the Interior and Local Government-BARMM na naka-base sa Cotabato City.
Nabanggit di sa mga ulat na tinanggap nila Gumiran at De Guzman na isang residente na tumatawid sa Tubuan River sa DBS na sakay ng isang balsa, may dalang alagang baka, na inanod din ng rumaragasang tubig-baha ang maagap na na-rescue nito ding Biyernes ng mga barangay officials at mga volunteer community watchmen sa Barangay Tubuan na sakop din ng naturang bayan.