Pormal na uupo ngayong Miyerkules, July 30, 2025, bilang director ng Police Regional Office-12 si Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, kapalit ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, na malilipat sa ibang unit ng Philippine National Police.

Si Macapaz ang director ng national office ng Criminal Investigation and Detection Group bago siya naitalagang PRO-12 director, simula July 28, 2025, sa isang designation order na may lagda ni Major Gen. Neri Vincent Ignacio, ang acting chief of directorial staff ng PNP.

Si Brig. Gen. Christopher Nortez Abrahano naman ang naitalagang kapalit ni Macapaz bilang CIDG director.

Si Macapaz, kabilang sa Philippine National Police Academy Class 1995, ay naging director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region bago naging isang CIDG director. Si Brig. Gen Jaysen Carpio De Guzman ang pumalit kay Macapaz sa pagka-director ng PRO-BAR nito lang June 2025.

Napasuko ng ibat-ibang mga unit ng PRO-BAR ang 89 na mga miyembro ng magkaalyadong mga terror groups na Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters habang si Macapaz ang police director ng Bangsamoro region.

Sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang PRO-BAR director, nakakolekta ng 124 na ibat-ibang uri ng mga baril, 40 millimeter grenade at B40 anti-tank launchers at mga pampasabog ang mga units na sakop niya, isinuko ng mga may-ari bilang tugon sa disarmament campaign ng pulisya.

Gagawin ang pag-turn over ni Ardiente ng katungkulan kay Macapaz bilang PRO-12 director ngayon Miyerkules, July 30, sa command center ng regional police office sa General Santos City, isa sa apat na lungsod na sakop ng Region 12. Sakop din ng PRO-12 ang mga probinsya ng Cotabato, Sultan Kudarat, South Cotabato at Sarangani. (July 29, 2025, Central Mindanao)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *