Home » Ramadan sa isang bayan binulabog 2 grupong Moro

Ramadan sa isang bayan binulabog 2 grupong Moro

Binulabog ng barilan ng dalawang grupong kasapi ng Moro Islamic Liberation Front ang unang araw ng pag-aayuno ng mga taga Tugunan, Cotabato kaugnay ng Ramadan, isang banal na buwan sa Islam.

Kinumpirma nitong Lunes ng mga opisyal ng mga police at Army units sa probinsya ng Cotabato na napilitang lumikas ang mga residente ng Barangay Macabual sa Tugunan sanhi ng paulit-ulit na palitan ng putok, mula gabi ng Sabado, ng mga grupo nila Atang Abdulkarim at Tutah Abdullah, parehong mga MILF commanders.

Unang sumiklab ang mga engkwentro sa Barangay Macabual ng paputukan ng isa sa dalawang grupo ang mga residenteng Moro na kalalabas lang mula sa isang mosque matapos magsagawa ng obligatory nighttime prayer na nagsanhi sa pagkamatay nila Peli Abdulkarim at Nhords Samama at pagkasugat ng kanilang kasama na si Jaime Abdulkarim.

Muling nagka-engkwentro ng ilang beses ang dalawang grupo nitong Linggo, ang unang araw ng Ramadan, kung saan nag-aayuno mula madaling araw hanggang takipsilim ang mga Muslim sa loob isang buwan bilang religious obligation at sakripisyo para sa mga nagawang mga pagkakamali.

Matagal ng may matinding alitan ang mga grupo nila Abdulkarim at Abdullah na nag-ugat sa agawan ng mga teritoryo sa Tugunan at pulitika, ayon sa mga Islamic religious leaders at local executives sa Cotabato.

Ayon sa mga local officials, tumindi ang tensyon sa pagitan ng kanilang mga grupo dahil sa kanilang pagsuporta ng mga magkalabang kandidato sa ginanap na 2024 synchronized barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Ayon sa mga matataas na opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, nagpadala na ng mga emisaryo ang kanilang chief minister, si Ahod Balawag Ebrahim, ang chairman ng MILF central committee, upang hikayatin ang dalawang grupo na magkasundo na upang manumbalik ang katahimikan sa Tugunan na sakop ng BARMM government. (March 3, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *