Nakatakdang tanggalin sa serbisyo ang isang pulis sa Davao City na pumaslang sa kalaguyo nitong negosyante sa loob ng isang nakaparadang pickup sa kahabaan ng Palma Gil St., Brgy. 13-B, Davao City, noong Linggo ng gabi, May 25.
Kinumpirma ng hepe ng Davao City Police Office na si Col. Hansel Marantan na tatanggalin na sa organisasyon ng PNP si Corporal Marvin Perez, 36, miyembro ng Davao City Police Office Station 15 (Ecoland).
Bukod sa pagkasibak sa serbisyo ay kakasuhan din ito ng kriminal at wala na ring makukuhang benepisyo ang nasabing pulis.
Magugunita na bandang alas-11:35 ng gabi noong Linggo nang barilin ng suspek na pulis ang kalaguyong biktima na residente ng Brgy. Angliongto, Davao City.
Ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa mukha sa balikat at dibdib na agad nitong ikinasawi.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang suspek at ang biktima umano ay may relasyon at sinasabing nagtalo sa Gcash dahilan nais ng suspek na magkaroon ng access sa Gcash account ng nito.
Nauwi sa sakitan ng biktima at ang suspect ang kanilang pagtatalo na humantong sa pamamaril nito sa nasabing negosyante. (May 31, 2025, Joy Cantos, Pilipino Star Ngayon)
