
Positibong humithit ng shabu ang pulis na nagwala at nakapatay ng kapwa bus passenger gamit ang kanyang service pistol at nakasugat pa ng dalawang kapwa pulis sa isang madugong insidente nitong Sabado sa hangganan ng mga probinsya ng Cotabato sa Region 12 at Davao del Sur sa Region 11.
Kinumpirma nitong Martes nila Col. Gilbert Tuzon, Cotabato provincial police director, at ng mga mataas na opisyal ng Police Regional Office-11 sa Davao City na nagpositibo sa drug test si Corporal Alfred Dawatan Sabas, kasapi ng General Santos City Police Station 7 sa Region 12, ngayon nakakulong na at nahaharap na sa mga kaukulang kaso.
Unang nag-away habang sakay ng bus, patungo ng Davao City, ang noon ay lasing na si Sabas at live-in partner niyang si Phoenix Marie Delos Santos Javier bago ito naglabas ng 9 millimeter pistol at namaril ng walang habas na nagsanhi ng pagkamatay ng isang kapwa nila pasahero na si Reynaldo Bigno, Jr. na isang security guard.
Naganap ang madugong insidente sa Barangay Batasan sa bayan ng Makilala sa Cotabato, nasundan pa ilang minuto lang ang nakalipas ng pamamaril at pagkasugat ni Sabas ng dalawang miyembro ng 11th Regional Mobile Force Battalion ng PRO-11, sina Cpl. Kent Maurith Pamaos at Patrolman Russel Love Tapia, na nag-responde sa insidente ng itigil ng bus driver ang pampublikong sasakyan sa tapat ng kanilang detachment sa Barangay New Opon sa Magsaysay, Davao del Sur.
Matagal ng kilalang lasenggo at lulong sa shabu ng kanyang mga kamag-anak si Sabas, taga Kidapawan City, Cotabato na ang kinakasamang si Javier ay naaresto na sa isang shabu entrapment operation sa naturang lungsod nitong February 2024 ngunit nakalaya sa kapalit ng pirmadong kasulatan na siya ay magbabago na.(Dec.31,2024)