Patay ang tatlong armadong kalalakihan at isang kasapi ng Special Action Force (SAF) ng pulisya na kasama sa law-enforcement team na hahalughog lang sana sa kanilang hideout sa Barangay Bato-Bato sa Indanan, Sulu madaling araw nitong Huwebes, October 30, ngunit nauwi sa engkwentro ng sila ay pumalag at nanlaban.
Sa pahayag ng mga miyembro ng ng Sulu Provincial Peace and Order Council at mga local executives sa probinsya, nasawi sa engkwentro ang criminal gang leader na si Alnaib Sahiddan Daud, kilalang dealer ng shabu at marijuana at maraming mga baril, at ang kanyang dalawa pang mga kasamang katulad niya at sangkot din sa iba’t-ibang mga krimen.
Pansamantalang hindi muna nila kinilala ang dalawang napatay na mga kasama ni Daud habang inaalam pa ang karagdagang mga detalye ng kanilang mga high-profile criminal cases na nakabinbin sa mga korte.
Kinumpirma ng mga officials ng Sulu Provincial Police Office at ng Police Regional Office-9 ang pagkasawi sa insidente ni Corporal Albasir Lauban Lumalag, kasapi ng SAF unit na nasa operational control ng director ng PRO-9, si Brig. Gen. Eleazar Matta.
Ang nasawing si Lumalag ay taga Dalican, ang kabisera ng Datu Odin Sinsuat sa probinsya ng Maguindanao del Norte sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Isa pang SAF member, si Patrolman Felix Ruado, ang sugatan sa insidente na agad namang naisugod sa Sulu Provincial Hospital sa hindi kalayuang bayan ng Jolo sa Sulu upang malapatan ng lunas.
Ayon kay Matta at iba pang mga PRO-9 officials, ililipat sa isang mas modernong pagamutan sa Zamboanga City ang sugatang SAF member.
Ayon sa mga provincial officials sa Sulu, maliban pagiging armado, kilala din sina Daud at kanyang nasawing mga kasama sa pagbebenta ng shabu at marijuana sa mga island municipalities sa Sulu. (October 31, 2025, Indanan, Sulu Province)
 
                    