Maraming residente ng Cotabato City ang humiling na maipasa agad ng 80-seat Bangsamoro parliament ang panukalang Bangsamoro Children’s Hospital Act of 2025 na nakasalang na sa parliamento ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang panukala, ihinain ni Parliament Member Naguib Sinarimbo, ay naglalayong magtatag ng isang pagamutan sa Cotabato City para sa mga bata at ang Ministry of Health Bangsamoro-Autonomous Region in Muslim Mindanao ang siyang magpapatakbo nito.
Ang author ng BTA Bill 379, o Bangsamoro Children’s Hospital Act of 2025, na si Parliament Member Sinarimbo ay kumbinsidong susuportahan ng kanyang mga kapwa regional lawmakers ang naturang panukala.
Isang 200-bed hospital sa Cotabato City para sa mga bata ang nais na itatag batay sa panukalang ihinain na sa parliament ng tanggapan ni Sinarimbo nitong nakalipas lang na linggo.
Kabilang sa mga layunin ng naturang panukala ni Sinarimbo, dating Bangsamoro regional local government minister, ang malawakang pagpapalaganap ng tamang nutrisyon para sa kabataan sa pamamagitan ng children’s hospital administration kung sakaling maitatag na batay sa basbas ng BARMM parliament.
Sa konsepto ng naturang panukalang batas, libre ang serbisyo ng pinaplanong children’s hospital sa Cotabato City.
Sa mga random surveys, maraming mga magulang sa Cotabato City at sa mga karatig na mga bayan ng Sultan Kudarat at Datu Odin Sinsuat ang nagpahayag na kagalakan at suporta sa panukalang Bangsamoro Children’s Hospital Act of 2025 ni Parliament Member Sinasrimbo.
Maraming mga ina ng mga mahihirap na mga pamilya ang nagpahayag ng paniniwalang aaprubahan ng mga miyembro ng parliament ng Bangsamoro region ang naturang panukalang batas. (September 8, 2025, Cotabato City, Bangsamoro Region)