
Sa kulungan ang bagsak ng isang deputy municipal police chief na nakapatay sa pamamaril habang lasing ng dalawang lalaki at nakasugat ng isa pa sa Kabacan, Cotabato nitong madaling araw ng Sabado, August 31, 2024.
Kinumpirma nitong umaga ng Sabado ni Major Maxim Peralta, hepe ng Kabacan municipal police, na nasa kustodiya na nila ang kanyang deputy na si Captain Romel Magdato Guhiling na agad nilang naidetine matapos niyang mapatay gamit ang kanyang service pistol sina Akmad Ali Salimula at Mama Sandigan na kanyang nakaalitan sa loob ng isang videoke bar sa Barangay Osias sa naturang bayan.
Sugatan din sa naturang pamamaril ang kasama nila Salimula at Sandigan na si Norhan Katom Makakua, na agad namang naisugod sa pagamutan ng mga emergency responders.
Ayon kay Peralta, unang nagtalo ang Guhiling, deputy chief ng Kabacan Municipal Police Station, at ang magkasamang sina Salimula at Sandigan bago nito mapatay on the spot ang dalawa at nasugatan si Makakua sa pamamaril.
Nahaharap na sa kaukulang kasong kriminal at administratibo si Guhiling.