Isang naglalako ng mga kakanin ang napatay habang sugatan naman ang kanyang kapatid sanhi ng ambush sa Sitio Baunu Dagao sa Barangay Badja sa Tipo-Tipo sa Basilan nitong Miyerkules, September 10, 2025.

Sa ulat nitong Huwebes ng Basilan Provincial Police Office, sakay ng tricycle na kargado ng ibat-ibang mga uri ng kakanin na kanilang nilalako ang magkapatid na sina Michael at Bonifacio Codilla ng tambangan ng mga armadong nakaabang sa kanila sa gilid ng highway sa Sitio Baunu Dagao sa Barangay Badja.

Agad na namatay sa mga tama ng bala si Michael habang sugatan naman ang kanyang kapatid sanhi ng naturang pananambang.

Ang mga biktima ay mga residente ng Barangay Santa Clara sa Lamitan City sa Basilan at paglalako ng ibat-ibang mga kakanin ang kanilang hanapbuhay.

Agad namang isinugod ng mga residente ng Barangay Badja sa isang hospital sa Lamitan City ang sugatang si Bonifacio upang malapatan ng lunas.

Nagtutulungan ang mga imbestigador ng Tipo-Tipo Municipal Police Station at mga local executives sa naturang bayan sa pagtukoy sa mga responsable sa naturang krimen upang masampahan ng mga kaukulang kaso.

Mabilis na nakatakas ang mga salarin matapos nilang ratratin ng bala ang magkapatid habang sakay ng kanilang delivery tricycle, ayon sa mga barangay officials at mga nakasaksi sa insidente.

Makikita sa larawan ang delivery tricycle ng magkapatid na na-ambush victims na nagawi sa masukal na gilid ng highway ng sila ay tinamaan na ng mga bala ng paputukan ng mga tumambang sa kanila. (September 11, 2025, Basilan, Bangsamoro Region)