COTABATO CITY (October 2, 2025) — Nasamsam ng mga pulis ang P9.5 million na halaga ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Poblacion sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong madaling araw ng Huwebes, October 2, 2025.

Ang mga imported na sigarilyo ay lulan ng isang Isuzu van-type truck, may mga plakang MAZ 7538, na nasabat ng mga pulis na naka-duty sa isang anti-smuggling checkpoint sa highway sa sentro ng Barangay Poblacion sa Datu Odin Sinsuat.

Sa mga hiwalay na ulat nitong umaga ng Huwebes, kinumpirma ni Lt. Col. Esmael Madin, hepe ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, at ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkumpiska ng 266 na mga malalaking kahon na may lamang mga imported na sigarilyo na nakaimbak sa van-type truck na naharang sa naturang checkpoint.

Agad na pinuri at pinasalamatan nila Madin at De Guzman ang dalawang pulis na naka-duty sa checkpoint, sina Patroman Ruel Caรฑete at Patrolman Michael Laoto, na siyang pumigil sa van-type truck para lang sana sa isang routine inspection ngunit tuluyan na nilang pinigil ito ng makitang may kargang mga smuggled na sigarilyo.

Nasa kustodiya na ng Datu Odin Sinsuat police force ang driver ng van-type truck at kasama nito, sina Mark Andrew Caritavo at Ryan Alamada, na parehong nangakong kikilalanin ang supplier ng mga imported na sigarilyo nasamsam mula sa kanila upang masampahan ng mga kaukulang kaso.

Ayon kay De Guzman, inatasan na niya si Madin na ipa-kustodiya na agad sa Bureau of Customs ang mga nasamsam na mga sigarilyong gawa sa Indonesia para sa kaukulang disposisyon ng naturang ahensya.