Sinunog nitong Lunes ng mga opisyal ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang abot sa P87 million na halaga ng illegal na droga, nasamsam nitong nakalipas na ilang mga taon, sa incinerator ng isang renewable energy generating plant sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ginamit muna na ebidensya sa samut-saring mga narcotics trafficking cases sa mga korte ang mga shabu, marijuana at cocaine na sinira sa power plant ng cornstarch manufacturer na Lamsan Incorporated sa Crossing Simuay sa bayan ng Sultan Kudarat.
Magkatuwang na pinangunahan ang naturang aktibidad ng director ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, si Gil Cesario Castro, ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Jaysen De Guzman, ni Maguindanao del Norte Vice Gov. Marshall Sinsuat, ni BARMM Chief Minister Abdulrauf Macacua at ng state prosecutor sa Region 12 na si Mariam April Veloso Mastura.
Sa mga hiwalay na pahayag, pinasalamatan nila De Guzman at Castro ang mga residente ng BARMM, mga mayors at provincial governors na malaki ang naitulong sa mga entrapment operations na nagresulta sa pagkumpiska ng mga illegal na droga na sinunog sa harap ng mga reporters.
Ayon kay Castro, kabilang sa mga nakatulong sa kanilang mga matagumpay na anti-narcotics operations nitong nakalipas na limang taon ang mga field commanders ng Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front, may mga hiwalay na peace agreements sa Malacañang, at magkatuwang sa pamamalakad ng ilang mga ahensya ng BARMM regional government.
Makikita sa larawan ang mga illegal drugs na sinira gamit ang incinerator power plant ng isang isang pribadong kumpanya sa Simuay Crossing sa Sultan Kudarat. (September 22, 2025, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Region)