COTABATO CITY (August 31, 2025) — Maagap na napigil ng mga pulis nitong umaga ng Linggo ang tangkang pag-deliver sana ng tatlong mga lalaki sa isang lugar sa Zamboanga City ng 89 kilo ng shabu
Kinumpirma nitong tanghali ng Linggo ng mga local executives at mga miyembro ng multi-sector Zamboanga City Peace and Order Council na naka-detine na ang mga suspects na sina Baser Arail Onggo, 53-anyos, John Michael Tagaya Mosquera, 27-anyos, at ang kanilang kasamang 41-anyos na si Addil Al-Shareif Arajil na nakunan ng abot sa P60.5 million na halaga ng shabu sa naturang police anti-narcotics operation.
Ayon kay Brig. Gen. Eleazar Matta, director ng Police Regional Office-9, ihahatid sana ng tatlo ang 89 kilong shabu sa isang lugar sa Zamboanga City ng sila ay naharang ng mga magkasanib na mga operatiba iba’t-ibang units ng PRO-9 at ng Police Drug Enforcement Group-Special Operation Unit-9 sa Barangay Rio Hondo sa lungsod.
Ayon kay Matta, naisagawa ang naturang matagumpay interdiction operation matapos mag-ulat ang ilang mga confidential informants, ilan sa kanila ng mga barangay at city officials, hinggil sa pag-deliver sana nila Onggo, Mosquera at Arajil ng 89 kilong shabu sa kanilang mga contacts sa Zamboanga City.
Ayon kay Matta, hindi na pumalag ang tatlo ng harangin ng mga pulis ang kanilang pulang Nissan Livina sa isang kalye sa Rio Hondo at agad na kinumpiska ang kanilang dalang 89 kilong shabu.
Nagtutulungan ang mga opisyal ng Western Mindanao Command ng militar sa Zamboanga City at ang mga intelligence units ng PRO-9 sa pagtukoy kung sino-sino ang mga kasabwat ng tatlong suspects sa kanilang malakihang pagbebenta ng shabu sa lungsod at sa mga probinsya ng Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur sa Region 9.
Makikita sa larawan ang illegal na droga, nagkakahalaga ng P60.5 million, na nasamsam ng mga pulis sa tatlong mga lalaking maghahatid sana nito sa kanilang mga contacts sa Zamboanga City nitong umaga ng Linggo.