TUNGAWAN, Zamboanga Sibugay — Nasamsam ng mga tauhan ng Police Regional Office 9 (PRO 9) ang tinatayang ₱400,771 halaga ng puslit na sigarilyo at naaresto ang dalawang suspek sa isinagawang operasyon noong alas-4:45 ng hapon, Oktubre 7, 2025, sa Border Control Point sa Barangay San Pedro, bayan ng Tungawan, Zamboanga Sibugay.
Sa ulat ng Zamboanga Sibugay 2nd Provincial Mobile Force Company, katuwang ang Tungawan Municipal Police Station at Provincial Intelligence Unit ng Zamboanga Sibugay Police Provincial Office, ang mga naarestong suspek ay kinilalang isang 29-anyos na lalaki na residente ng Arena Blanco, Zamboanga City, at isang 43-anyos na lalaki na residente ng Barangay Zone IV, Zamboanga City.
Nasamsam mula sa mga ito ang 350 reams ng Union brand na sigarilyo na may tinatayang halaga na ₱400,771. Ang mga suspek at ang mga nakumpiskang kontrabando ay dinala sa Tungawan Municipal Police Station para sa wastong disposisyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Pinuri ni Police Brigadier General Eleazar P. Matta, Regional Director ng PRO 9, ang matagumpay na operasyon at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad sa rehiyon.
“Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng dedikasyon ng ating mga tauhan sa pangangalaga ng ating ekonomikong hangganan at sa pagpapatupad ng batas. Magpapatuloy tayo sa pakikipagtulungan sa Bureau of Customs at iba pang ahensya ng pamahalaan upang higit pang paigtingin ang intelligence-driven patrols at matuldukan ang mga sindikatong sangkot sa smuggling sa Zamboanga Peninsula,” pahayag ni PBGen Matta.
Ang operasyong ito ay nagpapakita ng patuloy na pangako ng PRO 9 sa pagpapatupad ng batas, pagpapalakas ng seguridad sa mga hangganan, at pagsuporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling sa buong Zamboanga Peninsula.
Ellyza Mae Amar (Oktubre 7, 2025)