Nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency ang P3.4 million na halaga ng shabu sa dalawang mga dealers na nalambat sa Barangay Matampay sa Marawi City nitong Sabado, January 19, 2025.
Sa inisyal na pahayag nitong Linggo ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, gagamiting ebidensya ang kalahating kilong shabu na nasamsam mula sa dalawang lalaking suspects sa pagsampa ng mga kaukulang kaso laban sa kanila.
Ayon kay Castro, agad na inaresto ng mga PDEA-BARMM agents ang dalawa matapos silang bentahan ng P3.4 million na halaga ng shabu sa isang lugar sa Barangay Matampay sa Marawi City, ang kabisera ng Lanao del Sur.
Ayon kay Castro ang naturang matagumpay na entrapment operation ay suportado ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. at ng ibat-ibang police units sa Marawi City at ng Muslim religious leaders sa lungsod.
Nasamsam din mula sa mga suspects ang dalawang mga motorsiklong gamit nila sa paghahatid ng shabu sa kanilang mga contacts sa ilang bayan sa Lanao del Sur at sa mga liblib na barangay sa Marawi City. (January 25, 2025)
