Isang 56-anyos na magsasaka na high value individual (HVI) ang arestado matapos na masamsam sa kanya ang nasa P3-milyong halaga ng marijuana plants sa Barangay San Fernando Sur sa Cabiao, Nueva Ecija nitong Martes ng hapon.

Batay sa ulat sa tanggapan ni Police Col. Heryl Bruno, bagong talagang provincial director ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), nakilala ang suspek sa alyas “Raymund”, residente ng naturang lugar.

Sa ulat ng pulisya, aabot sa 12 marijuana plants ang nakumpiska ng otoridad na tinatayang tumitimbang ng 15,000 gramo at alinsunod sa batayang presyo ng Dangerous Drugs Board (DDB) ay nasa P3-milyon ang kabuuang halaga nito ayon sa PNP.

Nakapiit ngayon sa male custodial facility ng Cabiao Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (PILIPINO STAR NGAYON, JUNE 26, 2025, CHRISTIAN RYAN STA. ANA)