Napigil ng mga pulis ang tangkang paghatid sana ng isang truck sa ilang mga bayan sa Bangsamoro region nang P3.7 million na halaga ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia, nasabat sa Barangay Ilian sa Picong, Lanao del Sur nitong madaling araw ng Huwebes, October 23.

Sa ulat nitong Biyernes ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, lulan ng isang light truck ang mga imported na sigarilyo na inabandona ng driver at kanyang helper ng mapuna ang mga operatiba ng Picong Municipal Police Station na nakaabang sa gilid ng highway sa Barangay Ilian.

Ayon kay Police Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng PRO-BAR, nasa kustodiya na nila ang sigarilyong imported, nakatakda ng ipa-kustodiya sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon.

Ayon kay De Guzman, naisagawa ang naturang matagumpay na anti-smuggling operation sa tulong ng mga impormante, ilan sa kanila mga barangay officials, na alam ang nakatakdang pag-hatid sana ng naturang mga smuggled na mga sigarilyo sa Malabang, Lanao del Sur at iba pang mga bayan sa Maguindanao del Norte.

Sa tala, abot na ng P69.8 million ang halaga ng mga smuggled na sigarilyo na nakumpiska ng mga units ng PRO-BAR sa mga serye ng anti-smuggling operations sa mga probinsya ng Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur at Cotabato City, na kabisera ng Bangsamoro region, nitong nakalipas na walong buwan. (October 24, 2025, Lanao del Sur, Bangsamoro Region)