Nakumpiska ng mga pulis ang abot sa P3.7 million na halaga ng shabu sa isang dealer na na na-entrap sa Barangay Silway sa Polomolok, South Cotabato nitong madaling araw ng Huwebes, August 28.

Sa ulat ng mga municipal officials sa Polomolok, hindi na pumalag pa ang 48-anyos na si Alvin Lilam Manansala ng arestuhin ng mga operatiba ng Police Regional Office-12 at ng Police Drug Enforcement Unit-Special Operations Unit 12 na kanyang nabentahan ng 550 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng PP3.7 million, sa Purok Maligaya sa Barangay Silway.

Si Manansala ay residente ng Guevarra Subdivision sa Purok Malakas sa Brgy San Isidro sa General Santos City na hindi kalayuan sa Polomolok. Ayon sa mga opisyal ng PRO-12, may mga kasabwat sa kanyang mga illegal na gawain si Manansala sa mga bayan ng Polomolok, sa Tupi at sa Banga sa South Cotabato.

Sa ulat ng PRO-12 nitong Biyernes, August 29, naisagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkaaresto kay Manansala sa tulong ng Polomolok Municipal Police Station at ng South Cotabato Provincial Police Office.

Nakakulong na sa isang police detention facility si Manansala, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (August 29, 2025, South Cotabato, Region 12)