Magkasunod na nakumpiska nitong nakalipas na Huwebes at Biyernes ng mga pulis sa Tungawan, Zamboanga Sibugay at sa Jolo, Sulu and abot sa P3.4 million na halaga ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia na walang mga kaukulang dokumento.
Sa ulat nitong Martes, September 23, 2025, ng Police Regional Office-9, unang nasamsam nitong Huwebes, September 18, sa isang checkpoint sa Barangay San Pedro sa Tungawan, Zamboanga Sibugay ng magkasanib na mga kasapi ng ibat-ibang units ng PRO-9 ang P1.7 million na halaga ng mga imported na sigarilyong lulan ng isang kulay blue na Toyota Revo.
Ayon kay Police Brig. Gen. Eleazar Matta, director ng PRO-9, nakadetine na ang driver ng naturang sasakyan na may kargang malalaking kahon na may lamang imported na sigarilyo, nahaharap na sa kaukulang kaso.
Ayon kay Matta, abot sa P1.7 million din ang halaga ng mga sigarilyong imported ang natagpuan nitong Biyernes, September 19, ng mga pulis sa loob ng isang abandonadong kulay maroon na Toyota FX sa Barangay Tulay sa Jolo, ang kabisera ng Sulu.
Sa ulat ng mga barangay officials sa Jolo Municipal Police Station at sa Sulu Provincial Police Office, kusang iniwan ng driver ang minamanehong Toyota Tamaraw FX na may kargang P1.7 million na halaga ng mga imported na sigarilyo ng mapunang may mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint operation sa isang bahagi ng kalyeng kanyang dadaanan sana sa paghatid ng dalang kontrabando sa ilang contacts sa ilang mga lugar sa Jolo at mga karatig na mga barangay sa ilang bayan na sakop ng Sulu province.
Ayon kay Matta nai-pakustodiya na sa Bureau of Customs and mga nakumpiskang smuggled na mga sigarilyo para sa kaukulang disposisyon. (September 23, 2025, Sulu and Zamboanga Sibugay, Region 9)