Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-9 at mga pulis ang P20.4 million na halaga ng shabu sa isang dealer na nalambat sa Dipolog City nitong Sabado, January 25, 2025.
Kinumpirma nitong Linggo ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, na nasa kustodiya na nila ang naarestong 47-anyos na lalaking shabu dealer na taga Santa Catalina, Zamboanga City.
Hindi na pumalag pa ang suspect ng arestuhin ng mga PDEA-9 agents at ng mga operatiba ng Dipolog City Police Office matapos silang bentahan ng tatlong kilong shabu, nagkakahalaga ng P20.4 million, sa entrapment operation na isinagawa sa gilid ng Osmeña Street sa Barangay Central, Dipolog City.
Pinasalamatan ni Gadaoni Tosoc ang mga opisyal ng Dipolog City police force at Police Regional Office-9 sa pagsuporta sa kanilang anti-narcotics operation na nagresulta sa pagkaaresto ng suspect.
Matagal ng minamanmanan ng PDEA-9 ang nakakulong ng suspect kaugnay ng kanyang malakihang pagbebenta ng shabu sa Zamboanga City at sa mga probinsya ng Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte at Zamboanga Sibugay. (January 26, 2025)