COTABATO CITY — Nasabat at agad na kinumpiska ng mga pulis ang hindi bababa sa P15.7 million na halaga ng sigarilyong gawa sa Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Central Panatan sa Pigcawayan, Cotabato nitong Huwebes, September 4, 2025.

Sa mga inisyal na ulat ng tanggapan ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, at ng Cotabato Provincial Police Office, lulan ng dalawang ten-wheeler van-type truck ang sigarilyong mula pa sa probinsya ng Zamboanga Sibugay na nasabat ng mga magkasanib na mga tropa Regional Mobile Force Battalion 12 at ng Pigcawayan Municipal Police Station.

Patungo sana ng Kabacan ang naturang dalawang truck ng maharang ng mga kasapi ng 1203rd Company ng RMFB 12 sa highway sa Barangay Central Panatan.

Ang nasamsam na mga malalaking kahon ng sigarilyong ibat-iba ang mga brand ay nakaimbak sa dalawang truck at pinatungan ng sako-sakong uling at iba pang mga kargamento upang hindi mahalata, ayon sa ulat ng mga barangay officials at ng mga imbestigador ng Pigcawayan MPS.

Ihahatid sana ng mga driver ng dalawang truck, kasama ang kanilang mga helpers, ang kontrabando sa ilang mga negosyante sa ilang mga bayan sa probinsya ng Cotabato.

Nakadetine na ang dalawang drivers at apat na iba pang sakay ng dalawang truck na nangakong tutulong sa mga police imbestigators sa pagkilala ng mga suppliers ng nasamsam na mga smuggled na mga sigarilyo. (Sept.5, 2025)